Tuesday, March 31, 2009

Sa aking palagay...

Alas dos ng madaling araw ng ikalawang araw ng Disyembre. Akalain mo, gising pa pala ako. Kaninang alas diyes pa ng gabi ng nakaraang ara ako humiga sa kama ngunit sa di mawaring dahilan, ay eto ako at naglalabas ng saloobin tungkol sa mga bagay-bagay.

Naisip ko tuloy na kumuha ng papel at bolpen upang kahit sa ganitong alanganing oras, kahit na dinig na dinig ko ang kahulan at tahulan ng mga aso ng mga kapitbahay ay naipapakita ko sa aking sarili na may magagawa akong kapaki-pakinabang kahit alam kong mayayari ako sa aking klase kinabukasan, pagputok ng araw.

Biglang sumagi sa aking isipan ang mga nagdaraang panahon, at naitanong sa aking sarili, ano na ba ang ginawa kong naiiba, sa pananatili ko sa labing-anim na taon, sa mundong ibabaw? Kung sa kalokohan ako titingin, marahil ay madami akong masasabi, ngunit kung ang anggulong titignan ay ang aking pagsusulat, masasabi ko na ang pagkakaroon ko ng pagnanasang matuto at humusay ang ikinaiba ko. Marahil, ikaw ay magtataka at maitatanong mo sa akin, "ano naman ang ikinaiba mo, eh, halos lahat naman, iyan din ang gusto?" Ang tanging masagot ko ay ito: kung kayo eh libangan, dibersyon o 'outlet' niyo lang ang pagsusulat, gusto ko mapatunayan sa sarili ko na buhay ko ang pagsusulat. Gusto kong masabi sa sarili ko na sa mga susunod na pagkakataon, hindi lang ako isang manunulat sa pangalan, kundi isang manunulat sa isip, sa salita at sa gawa.

Hindi ko alam kung ano ang eksaktong ibig sabihin ng pagiging isang manunulat, ni hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin sa'yo nito, ngunit ito lang ang masasabi ko; ang pagsusulat para sa akin ay isa sa mga paraan para masabi mo sa iyong sarili na may ginawa kang kakaiba sa buhay mo, na may halaga ang buhay mo dahil sa pagsusulat. Ang pagsusulat ay isang lakbayin sa buhay, na sa paglipas ng panahon, darating ang inhawa, ang ginhawang masasabi mo na sa iyongsarili na may kaibahan ka sa ilang bilyong tao a mundong ito.

No comments:

Post a Comment